Umaabot sa 20,000 sako ng imported na bigas ang kinumpiska ng mga tauhan ng Philippine Anti-Smuggling Group matapos ang isinagawang inspeksyon sa isang bodega sa Cubao, Quezon City kahapon ng umaga.
Nakatakdang sampahan naman ng PASG ng kasong “economic sabotage” ang sinasabing may-ari ng bodega sa #10 Manhattan Street, Cubao, na nakilalang si Ricardo Luz.
Sinabi ng PASG na may isang linggo na nilang isinasailalim sa paniniktik ang lugar bago nilagyan ng kordon. Dakong alas-10 kahapon ng umaga nang pasukin ng mga opisyal ng PASG ang bodega at nadiskubre ang nakaimbak na 20,000 sako ng Jasmine rice na buhat pa sa Thailand.
Nabatid na pag-aari ng Vertex International Product and Exchange Corporation ang naturang bodega. Ang kumpanya ay nakarehistro umano upang mag-angkat ng softdrinks at sigarilyo at hindi bigas.
Napag-alaman rin na ipinasa ang hawak na import quota at deed of assignment ng Vertex buhat sa Sapang Multi-Purpose Cooperative na nakabase sa Tarlac na siyang binigyan ng award ng National Food Authority (NFA) ng Farmer’s Importers Program upang mag-angkat ng bigas.
Nakatakda namang kumuha sa korte ng warrant of seizure and detention ang PASG upang i-audit ang nakumpiskang mga bigas.
Iginiit naman ng mga tauhan ng bodega na may sapat silang papeles kabilang na ang lisensya nila sa Bureau of Internal Revenue at legal ang kanilang operasyon. (Danilo Garcia)