“Berdugo”
Ito ang katagang isinulat sa mga naglalakihang larawan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani F. Fernando nang buweltahan ng militanteng grupo ang spray-painting campaign ng una sa mga kolorum na pampasaherong sasakyan, kasabay ng pagsasaboy din ng pulang pintura sa mga larawan nito, kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng EDSA.
Maliban sa pagsasaboy ng pintura sa mga malalaking larawan ng MMDA chief, gumamit din ng itim na spray-paint ang mga miyembro ng militanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY).
Ayon kay John Vincent Marin, tagapagsalita ng KADAMAY, ang pagsasaboy nila ng pintura sa mukha ni Fernando ay paraan ng paggising sa mga mararahas na hakbang ng ahensiya laban sa maralitang taga-lungsod.
Idinagdag pa nito na ito ang katumbas na paraan sa ginagawang karahasan umano ni Fernando at ang maaga niyang pamumulitika na ang ginagamit na man sa pagpapagawa ng kanyang malalaking tarpaulin ay mula naman umano sa pera ng taumbayan.
Hindi naman nagustuhan ni Fernando ang naging reaksiyon ng militanteng grupo sa kanyang mga programa at proyekto, kasabay ng paghahamon ng una sa mga huli na gumawa na lamang sila ng sarili nilang tarpaulin sa halip na ‘babuyin’ umano ang kanyang mensahe sa taumbayan.
Si Fernando na may ilang linggo ng nasa ibang bansa, ay nagsabing hayaan na lamang niya ang taumbayan ang maghusga kung wasto ang kanyang mga mensahe kaugnay sa pagtataguyod ng kaayusan at kalinisan ng kapaligiran.
Malaki umano ang paniniwala ni Fernando na maganda ang mensaheng nakasaad sa malalaking tarpaulin na may malaki niyang larawan dahil nagpapaalala ito ng mga programa at proyektong Metro Guwapo ng naturang ahensiya.