Nagpakalat kahapon ang pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ng 30 miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) kaugnay sa inilunsad na operasyon laban grupo ng riding-in-tandem na mga holdaper na bumibiktima ng mga kliyente ng banko na nagwi-withdraw ng malaking halaga.
Ayon kay EPD chief Supt. Leon Nilo dela Cruz, kahapon ay sinimulan na niyang ikalat ang 30 heavily armed SWAT on motorcycle bilang pangontra sa grupo ng riding in tandem.
Sinabi ni Dela Cruz na ang mga nasabing miyembro ng SWAT ay ikinalat sa paligid ng mga banko na nasasakupan ng EPD, gayundin sa paligid ng Ortigas Center at kahabaan ng Meralco Avenue sa Pasig na dito kadalasang hinaharang ng mga holdaper ang mga biktima na galing sa pag-withdraw ng malaking halaga ng pera sa kanilang banko.
Dagdag pa ng EPD chief na armado ang mga nasabing miyembro ng SWAT ng commando type armalite rifles, shotguns at pistola at para madali namang magkaroon ng komunikasyon sa mga kasamahan ay binigyan ang mga ito ng two way radio at cellphone sakaling maka-engkwentro ng mga ito ang grupo ng mga suspect.
Matatandaang naalarma na ang pamunuan ng EPD matapos ang apat na sunod na panghoholdap ng grupo ng riding-in-tandem sa mga kliyente ng banko na nag-withdraw ng malalaking halaga at kanila itong hinaharang para kunin ang pera at kapag nanlaban ay binabaril ang mga biktima. (Edwin Balasa)