Dahil sa charger, obrero tinarakan sa ulo

Nang dahil lamang sa nawawalang cellphone charger, isang laborer ang nasa kritikal na kondis­yon   matapos na tarakan ito ng saksak sa ulo ng isang security guard, kahapon ng umaga sa Pasay City. Nasa ICU pa rin ng Manila Sanitarium & Hospital bunga ng  malalim na saksak sa kaliwang bahagi ng tenga na tumagos sa lalamunan at sa ulo ng biktimang si Elmer Esmer, 39, ng Block 13, Bgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal.

Ang suspect naman na kinilalang si Romulo Vasquez,  22, security guard ng Delta Force Secu­rity Agency ng  #33 Gov. Pascual Ave., Con­ception, Malabon City ay agad namang su­muko sa awtoridad dala ang jungle knife na gina­mit sa pananaksak sa biktima. Batay sa imbesti­gasyon, dakong alas-7:55 ng umaga nang ma­ganap ang nasabing insidente sa construction site na pinagli­lingkuran ng biktima at binabantayan naman ng suspect na nasa 1946 Leveriza St., Pasay City.

Napag-alaman na  nitong nakaraang Lunes ng March 31, dahil na low-bat umano ang cell­phone, nanghiram ng charger ang suspect sa isang trabahador na si Nonilito Nadalo, 18. Ma­tapos gamitin ay itinabi ito ng suspect sa kan­yang locker, pero nang kukunin ng may-ari ang charger, nawawala na ito sa kinalalagyan.

Ka­hapon ng umaga, habang nagbubulatlat ng gamit ang bik­tima, nakita ng may-ari ang nawa­walang charger sa bag nito na naging dahilan para sitahin ang una ng suspect. Dahil dito ay nagka­roon ng ma­initang pagtatalo ang suspect at ang bik­­tima na humantong sa suntukan hanggang sa  binunot ng una ang kanyang jungle knife at saka inun­da­yan ng saksak ang huli sa punong tenga at ulo nito. Ang biktima ay agad na bumagsak at sumu­ka ng dugo sa bunton ng mga construction ma­­terials kung saan ay agaw-buhay na dinala ito sa nabanggit na pagamutan. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments