Umaabot sa mahigit 1,000 pang tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang iniimbestigahan kaugnay ng pagkakasangkot sa iba’t ibang kaso.
Ito ang nabatid kay NCRPO Chief Director Geary Barias alinsunod sa ipinatutupad na “Oplan Patnubay” upang linisin ang imahe ng pambansang pulisya.
Sinabi ni Barias na determinado siyang linisin ang hanay ng NCRPO laban sa mga tiwaling pulis na nagsisilbing batik sa organisasyon ng pambansang pulisya.
Ayon kay Barias, nakatanggap sila ng 1,188 reklamo laban sa mga pulis sa unang tatlong buwan ng taon. Una nang ipinatupad ni Barias ang pagsibak sa 42 pulis, lima ang na-demote, 173 na-suspinde, 266 itinigil ang pagtanggap ng sahod at 158 pa ang pinatawan rin ng kaparusahan.
Binigyang-diin ng opisyal na ipinamamadali na niya ang imbestigasyon sa kaso ng mahigit 1,000 pang pulis upang mapatawan ng kaparusahan ang mga nagkasala habang tumutupad sa tungkulin. (Joy Cantos)