Muling umatake ang grupo ng riding-in-tandem sa Pasig City matapos biktimahin ang pampasuweldo sa mga empleyado ng isang kompanya na nagkakahalaga ng kalahating milyon piso na winithdraw ng mag-asawa sa isang banko sa nasabing lungsod kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga nang magsagawa ng daylight robbery ang anim na hindi pa kilalang mga holdaper na sakay ng tatlong motorsiklo sa kahabaan ng Evangelista St., Santolan Village Brgy. Santolan ng lungsod na ito. Nabatid na galing sa pagwi-withdraw ng halagang P500,000 sa Chinabank Santolan Branch ang mag-asawang biktima na nakilalang sina Constancia Paz, accountant ng St. Thomas Multi-Purpose Cooperative at asawa nitong si Gatdiwa. Pauwi na ang mga ito sa Santolan Village sakay ng silver na Toyota Corolla na may plakang XSU-187 ng bigla na lang silang harangin ng mga suspek na armado ng maiikling kalibre ng baril at nagpahayag ng holdap.
Walang nagawa ang mag-asawa kundi ang ibigay ang nasabing pera sa takot na patayin sila ng mga suspek. Hindi naman tumagal ng isang minuto ang panghoholdap at mabilis ng nagsitakas ang mga suspek matapos makuha ang pera.
Ayon naman kay Eastern Police District (EPD) chief Supt. Leon Nilo dela Cruz na sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon kung bakit alam ng mga suspek ang kanilang bibiktimahin at alam nila na may dala itong malaking pera. (Edwin Balasa)