2 binata sinumpak

Kapwa binawian ng buhay ang dalawang kabinataang magkaibigan matapos silang sumpakin ng kanilang mortal na kaaway nang mag-krus ang landas ng mga ito kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.

Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela City General Hospital sanhi ng mga tina­mong tama ng bala ng sum­pak sa katawan ang mga biktimang sina Eric Cacho, 21, at Carlo Madero, 18, pawang mga residente ng Sitio Kaba­tuan, Barangay Gen. T. de Leon ng nasabing lungsod.

Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang suspek na si Fernando Bello, may sapat na gulang, naninirahan sa 6113 Lower Tibagan, Barangay Gen. T. de Leon ng nabanggit na lugar.

Ayon sa report ni SPO2 Angeles Miranda, Jr., may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw, malapit lamang sa bahay ng mga biktima sa nabanggit na lugar.

Naglalakad ang mga bik­tima sa naturang lugar nang makasalubong nito ang sus­pek na armado ng sumpak at agad na pinaputukan ang mga ito. (Lordeth Bonilla)

Show comments