Isa na namang opisyal ng Commission on Election (Comelec) ang tinambangan at napatay ng hindi nakikilalang kalalakihan habang ito ay papalabas ng isang food chain kahapon ng tanghali sa Intramuros, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang nakilalang si Atty. Wynne Asdala, pumalit na hepe ng Law Department ng Comelec matapos na mapaslang ang dating chief ng naturang tanggapan na si Atty. Aleoden Dalaig at acting director III.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Subcourt Restaurant sa Soriano Avenue, panulukan ng Cabildo St., Intramuros, Maynila ang biktima kung saan ito kumain kasama ang kanyang stenographer na si Rena Ballo dakong alas-12:45 ng tanghali.
Papatawid na ang dalawa pabalik sa tanggapan ng Comelec nang biglang sumulpot ang suspek na nakakulay pulang t-shirt at nakasakay sa big bike. Mabilis umanong tinutukan ng malapitan ng suspek ang biktima sa dibdib nito at saka binaril malapit sa puso.
Ilang nakasaksi din ang nagsabi na may kasamang look-out ang suspek na nakakulay itim na t-shirt na kasabay na tumakas ng gunman.
Malaki naman ang hinala ng pulisya na may kaugnayan ang pamamaslang sa trabaho nito sa Law Department ng Comelec at dating assistant ng pinaslang na si Dalaig noong nakalipas na Nobyembre 10, ng nagdaang taon habang ito ay patungo sa Hyatt Hotel Casino.
Sinisiyasat din ng mga awtoridad kung iisa ang killer ni Dalaig at ang tumambang kay Asdala.
Si Asdala ay asawa ni Quezon City Regional Trial Court Judge Fatima Asdala.