Sa kabila ng pagtutol ng 5 alkalde sa Metro Manila, nakatakdang ipatu pad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang single ticketing system anumang araw mula ngayon.
Ayon kay MMDA Chairman Bayani F. Fernando, ang panuntunan ng nasabing single ticketing ay aprubado na ng nakararami sa mga alkalde at limang alkalde na lamang ang hindi nakakapirma sa resolution kabilang dito ang mga lungsod ng Makati, Pasay, Navotas at Manila.
Sa ilalim ng MTTS, plano na gawing iisa na lamang ang pag-isyu sa traffic tickets at pagbabayad ng multa sa Kalakhang Maynila.
Napag-alaman pa na nagpulong na rin ang mga opposition mayor at mga representative ng mga lungsod ng Manila, Pasay, San Juan, Taguig, Navotas, Mandaluyong, Muntinlupa at Makati para sa iisang pananaw at kadahilanan.
Iginiit naman ni San Juan Mayor J.V. Ejercito, na ilegal ang EO 712 dahil nilalabag nito ang kapangyarihan ng municipal government para mag-legislate.
Sa panig ni Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad, wala pa umano silang alam sa mga detalye ng naturang iskema.
Habang nagbanta naman si Mayor Binay na maghahain ng damage suit laban kay Fernando at sa MMDA kapag itinuloy ang implementasyon sa EO 712 sa kabila ng mga legal defects nito.
Nangako naman ang representative ni Manila Mayor Alfredo Lim na magbababa ng traffic violation fines subalit nananatiling kumukuwestiyon sa MTTS.
Umaasa naman si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na matatalakay pa at mahihimay ang isyu sa susunod na pagpupulong ng Metro Manila Council sa susunod na Linggo. (Rose Tamayo-Tesoro)