Hihigpitan ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang pagpapa-voluntary rehabilitation na idinudulog ng pamilya ng mga lulong sa ilegal na droga upang maiwasan ang sari-saring reklamo na tinatanggap nito.
Sinabi ni Atty. Cesar Posada, hepe ng Legal Department ng DDB, na hindi na uubra ngayon ang pagpapahuli ng isang kapamilya sa isa nilang miyembro na sugapa sa droga at ididiretso ito sa mga rehabilitation centers ng walang court order.
Igigiit nila ngayon na bago dalhin sa rehab ang mga drug dependents ay kailangan munang maproseso ang court orders na nagpapahintulot sa rehabilitasyon ng mga idinudulog sa PDEA.
Ipinaliwanag ni Posada na ito ay upang maiwasan ang paghahabol ng ibang kapamilya ng drug dependents na hindi pabor sa pagpapa-rehab nito at mga pamilya na pinapahuli ang kapamilya nilang matagal nang pinoproblema ngunit aabandonahin lamang pala sa mga rehabilitation centers.
Dagdag pa dito ang maiwasan ang isyu ng kidnapping kung saan may insidente na umano na nagbanta ang isang pamilya na magsasampa ng kasong kidnapping sa mga operatiba nitong nakaraang taon dahil sa pagdampot sa isang mayamang drug dependent na walang pahintulot sa kanila.
Ipinapanukala naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Kongreso at local government units (LGUs) na magpasa ng batas para sa pagtatayo ng mga “shelters” kada munisipalidad at lalawigan upang dito muna pansaman talang dalhin ang mga drug dependents habang hindi pa nakakakuha ng court order para madala ang mga ito sa rehab. (Danilo Garcia)