Hindi na nakaahon ang 14-anyos na binatilyo nang sumisid sa Ilog Pasig sa bahagi ng Bacood, Sta. Mesa, Maynila kamakalawa ng hapon.
May ilang oras nang patay bago natagpuan ng frogmen ng Philippine Coast Guard (PCG) ang katawan ng biktimang si Carlo Hababay, ng 1451 P. Quirino St., Plaza Dilao, Paco, Maynila.
Sa report ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-4 ng hapon nang nadiskubreng patay ang biktima sa Pasig river sa likod ng Chino compound sa 2185 Linao St., Bacood, Sta Mesa.
Sa salaysay ng kaibigang si Estelito Endaya Jr., maliligo umano sila sa ilog para magpalamig dahil sa sobrang init ng panahon. Nauna lamang na sumisid si Hababay subalit hindi na umano ito umahon.
Posibleng pinulikat o nadala ang katawan ng biktima sa mabilis na pag-alon kaya hindi na ito naka-ahon. (Ludy Bermudo)