Nasawi ang isang barangay kagawad matapos itong pagbabarilin ng armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA), habang ang una ay naghihintay sa kanyang misis sa harapan ng pinapasukang pabrika ng huli, kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City .
Namatay noon din sa mismong pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at dibdib si Kagawad Edgardo “Ato” Bautista, 41, ng Malinis St., Brgy. Lawang Bato, Valenzuela City. Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspect na tinatayang dalawa hanggang tatlong kalalakihan na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente dala ang mga ginamit na armas.
Batay sa nakalap na impormasyon kay Francisco “Anching” Delina, chairman ng Brgy. Lawang Bato, dakong alas-5:55 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa harapan ng Fil-Fish Corporation na matatagpuan sa kahabaan ng Bonifacio St., Brgy. Canumay East, Valenzuela City.
Ayon naman sa ulat ng pulisya, unang nagtungo ang biktima sa naturang lugar upang sunduin ang kanyang misis na si Susan at habang naghihintay umano ito sa labas ng naturang pabrika ay bigla na lamang itong nilapitan at pagbabarilin ng mga suspect.
Napag-alaman naman kay Delina, bago ang pamamaril sa biktima ay unang nakahuli umano ito ng dalawang pinaghihinalaang miyembro ng NPA, subalit pinalaya rin umano ang mga ito ng pulisya dahil sa kakulangan ng ebidensiya laban sa mga ito. Posible umanong ginantihan ang biktima sa pamamagitan ng pamamaslang sa kanya. (Rose Tamayo-Tesoro)