Kulungan ang binagsakan ng isang AWOL na pulis matapos na magwala sa loob ng isang casino kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nasa kustodiya ngayon ng Quezon City Police District-Station 9 (Anonas) ang suspek na si PO3 Ariel Binluan, 32, nakatalaga sa Police Regional Office IV-A (Calabarzon), ng #7-D 2nd West Crame, San Juan City.
Inireklamo ito ni April Cobarubias, 25, guest assistant ng Casino Filipino On-Line Gaming Casino, nasa panulukan ng EDSA at Kamias St., ng naturang lungsod matapos na pagbantaan na sasaktan. Sa sumbong ni Cobarubias, sinabi nito na pumasok sa kanilang establisimiyento dakong alas-7:30 ng gabi ang suspek at nagpakilalang pulis. Naglaro umano ito ngunit natalo kung kaya nanghiram umano ito ng pera, natural na hindi niya pinagbigyan.
Dito umano nagalit ang pulis at tinakot na sasaktan siya kapag hindi pinayagan na makapaglaro nang walang pera. Nagkaroon ng komosyon dahil sa pagwawala ng suspek kung saan maging ang ibang mga manlalaro ay tinangka nitong hiraman ng pera. Agad na nagsuplong sa pulisya ang mga tauhan ng online gaming sanhi upang arestuhin si Binluan. Sa istasyon, sinabi ni Binluan na nagawa lamang niya iyon upang magkapera para pambili ng gamot sa anak na maysakit, gayunman desidido ang may-ari ng online gaming na sampahan ng kaso ang suspek. (Danilo Garcia)