Isang 17-anyos na estudyante ang nasawi, habang malubhang nasugatan naman ang tatlo pa nitong kasamahan makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang owner-type jeep sa isang nakaparadang van, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Hindi na umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Jeffrey Cruz, residente ng #19 Rose Compound, Brgy. Culiat, ng naturang lungsod, habang sugatan naman ang mga kasama nitong pinsan na sina Mike Jay Manuel, 11; Erwin Paul Dupal, 21; at John Vincent Estela, 13.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa Tandang Sora Avenue sa tapat ng San Lorenzo Subdivision, Brgy. Culiat. Sakay ang magpi-pinsan ng isang owner-type jeep (UCN-466) na minamaneho ni Cruz buhat sa Visayas Ave. nang mawalan umano ito ng preno.
Dahil sa bilis ng pagtakbo, diretsong sumalpok ang jeep sa nakaparadang van (CSH-323) sa gilid ng kalsada sanhi ng pagkasawi ni Cruz at pagkasugat ng mga kasamahan nito. (Danilo Garcia)