Natimbog ng mga awtoridad ang isang negosyanteng Tsinoy na sinasabing sangkot sa isang hijacking matapos ang isinagawang entrapment operation sa Valenzuela City.
Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Valenzuela-PNP habang nahaharap sa patong-patong na kaso si Norberto Yao, Jr., 29- ng 609 Pacheco St., Tondo, Manila.
Ayon sa ulat, dakong alas-4 ng hapon noong Sabado nang maaresto ang suspect sa inuupahan nitong bodega na matatagpuan sa S. de Guzman St., Brgy. Parada ng nabanggit na lungsod.
Lumalabas sa rekord ng pulisya na unang na-hijack ang ten-wheeler truck ng IJA Trucking na may pla kang RBR-861 na naglalaman ng milyong halaga ng produkto noong Pebrero 27, 2008 sa kahabaan ng C-3 Road, Navotas City.
Ayon sa salaysay ng driver na si Orlando Lopez at ng helper nito, pinaikut-ikot sila ng mga armadong kalalakihan mula sa Navotas hanggang sa makarating sila sa isang lugar sa Pampanga kung saan sila iniwan ng mga ito.
Matapos ito’y nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at natukoy kung saan dinala ang na-hijack na truck sa Brgy. Parada kung kaya’ t agad naghanap ang mga ito ng pagkakataon upang maaresto ang mga suspect.
Isang entrapment operation ang agad na ginawa ng mga awtoridad na naging dahilan sa pagkakaaresto kay Yao kung saan ay nakuha sa pag-iingat nito ang mga ninakaw na mga produkto at ang ten-wheeler truck na kasalukuyan na nitong pinagpipira-piraso.
Kasalukuyan namang pinaghahanap pa ang iba pang suspect na kasamahan ng nasabing suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)