Empleyado dedo sa holdap

Patay ang isang kawani ng Pasay City   Hall nang barilin   sa ulo at likurang bahagi ng kanyang katawan ng tatlong holdaper na bumiktima sa grupo ng una, kama­kalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.

Nakilala ang biktima na si Gerardo Ra­gasa, 47, tagapamahala sa Pasay City Pub­lic Cemetery at residente ng 39 Don Carlos Revilla St., ng nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente malapit lamang sa bahay ng biktima sa Don Carlos Revilla St., Pasay City.

Nabatid na kasalukuyang naglalakad pauwi ng kanilang bahay ang biktima kasama ang kapwa mga empleyadong sina Robert Salazar, Willy Camargo at Emily Magal nang bigla na lamang sumul­pot sa kanilang harapan ang tatlong lalaki na pawang armado ng baril.

Tumanggi at nanlaban ang biktima kung kaya siya pinaputukan ng mga sus­pect na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Samantala, sa isinagawang follow-up operation naman ng mga tauhan ng Pasay City Police, naaresto ang isa sa tatlong suspect na si Marco Daniel, 29, pedicab driver, residente ng Block 24, Lot-4, Barrio Pilipino, Pasay City na kasalukuyang isina­sailalim sa masusing imbestigasyon. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments