Nasawi ang isang 6-anyos na batang babae at sugatan naman ang kaibigan nito matapos salpukin ng jeep ang sinasakyan nitong bisikleta, kamakalawa sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan si Rachel Abarratigue, ng 27 Caimito Road ng nasabing lungsod habang sugatan ang kaibigan nitong si Rodrigo Dequito, 11, kapitbahay ng nasawi.
Nakakulong naman sa Caloocan City Traffic Enforcement Unit (CCTEU) ang driver ng jeep na nakadisgrasya sa mga biktima na si Amador Luchavez, 49, ng Dagohoy Street ng naturang lungsod. Dakong alas-4:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Samson Road, Caloocan City.
Base sa salaysay ng mga nakasaksi, kasalukuyang binabagtas ng mga biktima ang naturang kalsada sakay ng isang bisikleta na minamaneho ni Dequito, nang bigla na lamang ma bangga ng rumaragasang jeep na may plakang NYL-478.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumila pon ang mga biktima kung saan ay tumama ang ulo at katawan ng bata sa bangketa.
Agad namang isinugod sa nabanggit na pagamutan ang mga biktima ngunit hindi na umabot ng buhay si Abarratigue habang si Dequito ay himalang nakaligtas at nagtamo lamang ng maliit ng galos sa katawan samantalang ang driver ng jeep na si Luchavez ay agad namang dinala sa himpilan ng pulisya upang pormal na sampahan ng kaukulang kaso. (Lordeth Bonilla)