Matinding trauma ngayon ang dinaranas ng isang batang lalaki makaraang pagbabarilin at mapatay sa kanyang harapan ang ama ng isang hindi nakilalang hitman kamaka lawa ng gabi sa Quezon City.
Hindi na umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Bryan Marquez, 27-anyos, walang trabaho at residente ng #2514 Canoy st., Brgy. Tripa Pagilira, Pasay City.
Inilarawan naman ang tumakas na suspek na nasa pagitan ng edad na 29-30 anyos, may taas na 5’3 hanggang 5’5 , katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng navy blue cap, asul na t-shirt at maong pantalon.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa may kanto ng Edsa at 11th Jamboree Street, Brgy. Sacred Heart, ng naturang lungsod.
Nabatid na naglalakad ang biktima patungo sa Kamuning station ng Metro Rail Transit (MRT) kasama ang kanyang 2 taong gulang na anak na lalaki at ang kaibigan niyang si Rex Sorello.
Sinasabing biglang sumulpot ang suspek mula sa likuran na armado ng cal. 38 na baril at dalawang beses na pinaputukan ang biktima. Nabatid na nakasaklay pa ang biktima dahil sa pinsala sa binti nito nang barilin ng suspek.
Mabilis na tumakas ang salarin matapos ang pamamaril at target ngayon ng manhunt ng pulisya. Inaalam rin ngayon ng mga imbestigador ang posibleng motibo sa pamamaslang.