Nagawang patulan at bugbugin ng magkapatid na lalaki ang sarili nilang ama na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan dahil lamang sa nawawalang gulong, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nakakulong ngayon sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang suspect na si Cesar Valderama, 32, residente ng #96 Mother Ignacia Street, Diliman, habang pinaghahanap naman ang nakababatang kapatid nito na si Celso, 26.
Ginagamot naman sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Vicente Valderama, 59. Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa loob ng kanilang junkshop sa Tandang Sora Avenue.
Nabatid na sinita ni Vicente ang dalawa niyang anak na kapwa helper ng junkshop tungkol sa nawawalang gulong. Ikinagalit naman ng magkapatid ang paninita ng ama na tila pinagbibintangan sila.
Humantong sa pagtatalo ang mag-aama hanggang sa isinalya at pinagsusuntok ni Celso ang biktima ng ilang ulit. Sa halip naman na awatin ni Cesar, tumulong pa ito nang kumuha ng tubo at paluin ang matanda ng ilang beses sa ulo.
Nang makitang humandusay ang ama sa lupa mabilis na tumakas ang magkapatid. Nadakip naman si Cesar sa loob ng bahay nito habang patuloy pa rin ang paghahanap kay Celso. (Danilo Garcia)