Lolo ipinagtanggol ang apo, todas sa 2 maton

Dahil  sa pagtatanggol sa kanyang apong babae, na­sawi ang isang lolo maka­raang pagtulungang saksakin ng dalawang maton kama­kalawa ng gabi sa Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Johnny Silva, 77-anyos, at re­si­dente ng Area Hillside, Brgy. Pansol ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ngayon ng mga awtoridad ang mga tumakas na suspek na mag­kapatid na nakilala la­mang sa pangalang Ryan at Dodoy Lustica, residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Inves­tiga­tion and Detection Unit, naganap ang insidente pa­sado alas-7 kamakalawa ng gabi sa tapat ng bahay ng biktima.

 Nauna dito, nagsumbong ang 20-anyos na apo ng bik­tima na si Shirley Chavez na binastos umano ng magka­patid na Lustica.  Pag-uwi sa bahay, dito na nagsumbong sa kanyang lolo ang dalaga sanhi upang magwala ito at ideklara na sasamain ang dalawa kung matitiyempuhan nito.

Nalaman naman ng mag­kapatid ang pagbabanta ng matanda kung saan nilusob ng mga ito ang bahay ng bik­tima at doon ito pinag­sa­saksak sanhi ng agad nitong kamatayan. (Danilo Garcia)

Show comments