Daan-daang commuters na-stranded sa LRT

Daan-daang mga commuters ang na-stranded kahapon sa Light Rail Transit (LRT) station ng Baclaran matapos na ipatupad ng pulisya ang mas pinahigpit na pagrekisa sa mga bagahe at seguridad dito.

Kasama ang mga K-9 bomb snipping dogs at mga security guards ng LRT ay isa-isang sinuri kahapon ng pulisya ang mga dala-dalang bagahe at bags ng mga pasahero na pasakay ng tren dahilan upang humaba ang tripleng pila na umabot hanggang sa ibaba ng hagdanan ng istasyon.

Maging ang mga laptops at iba pang battery operated na mga gadgets ng mga pasahero na kinabibilangan ng cellular phones, MP3, Ipods ay masusing ipinaamoy sa mga K-9 dogs upang matiyak umano na walang makakalusot na anumang uri ng mga pampasabog o eksplosibo.

Labis namang ikinairita ng ilang mga pasahero ang umano’y hindi inaasahang sobrang higpit ng pagrekisa na umano’y naging dahilan upang mahuli sila sa kanilang mga pasok sa opisina at eskwela.

Sa kabila nito, marami rin namang mga pasahero ang natuwa sa naturang hakbang ng pamunuan ng LRT at ng pulisya kung saan kampante umano silang sumakay ng tren na ligtas ang kanilang seguridad.

Magugunita na una ng hinigpitan ang seguridad sa lahat ng mga LRT at MRT stations sa Metro Manila noong Biyernes matapos na kumalat ang isang text message na kasamang pasasabugin ang nasabing mga sakayan ng tren.

Bukod sa mahigit sa 1,000 security guards ng LRT at MRT ay nagpakalat din ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng karagdagang mga miyembro ng Regional Special Action Unit (RSAU) sa mga MRT at LRT stations partikular na sa Baclaran LRT station. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments