2 station commander, sinibak sa holdap

Tuluyang  sinibak na sa puwesto ang dalawang station commander ng Kamuning at Anonas police station ng Que­zon City Police District-Station 10 (Kamuning) matapos na makapagtala ng magka­sunod na insidente ng pangho­holdap kahapon.

Kinumpirma ni QCPD Direc­tor Sr. Supt. Magtanggol Gat­dula ang pagsibak kay P/Supt. Aspirino Cabula ng Station 10 (Kamuning) habang inilagay bilang officer-in-charge ang kan­yang deputy na si Supt. Rogelio Cabrera.

Tinanggal rin sa kanyang puwesto si Station 9 (Anonas) commander Supt. Oscar Pa­lisoc dahil sa naganap naman na panghoholdap sa isang armored van sa Brgy. Quirino.    

Ipinalabas ni PNP chief, Director General Avelino Razon Jr. ang utos ng pagtanggal kina Cabula at Palisoc sa kanyang puwesto base sa ipinaiiral na “one strike policy” sa mga bank robbery.

Katunayan, lumagpas pa dito si Cabula dahil sa dalawang insidente na ng panghoholdap ang naitala sa ilalim ng kanyang pamumuno. Bukod sa panlo­loob sa Union Bank sa Timog Avenue kahapon, una na ring sinalakay ng mga armadong suspek ang Land Bank sa West Avenue noong Enero 22.

Base naman sa kuwalipi­kasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kabilang ang panghoholdap ng armoured vehicle sa kategor­yang bank robbery kaya sinibak si Palisoc.

Sa inilabas na datos ng NCRPO, tumaas ng 50% ang insi­dente ng bank robbery nitong 2007 kumpara sa taong 2006.  

Nakapagtala ng 54 insidente ng bank robbery ang naganap nitong 2007 kumpara sa 20 noong 2006.  Kabilang sa natu­rang bilang ang panloloob mis­mo sa bangko, payroll robbery, panghoholdap sa indibidwal na nag-withdraw at armored van robbery. (Danilo Garcia)

Show comments