Iniulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pag-akyat ng may 50% ng insidente ng bank robbery sa Metro Manila nitong taong 2007.
Base sa kanilang datos, inamin ni NCRPO Director Geary Barias na mas maraming naitala na panloloob ng mga bangko sa taong 2007 kumpara noong taong 2006.
Sa kanilang record, 54 insidente ng bank robbery ang naganap nitong 2007 kumpara sa 20 noong 2006. Kabilang sa naturang bilang ang panloloob mismo sa bangko, payroll robbery matapos na makalabas sa banko, panghoholdap sa indibiduwal na nag-withdraw at armored van robbery.
Pinakahuling insidente ng panghoholdap ngayong 2008 ang naganap na panloloob sa Land Bank of the Philippines sa West Avenue, Quezon City kung saan iniimbestigahan ang isang grupo ng mga dating pulis at sundalo na kumikilos rin sa Luzon.
Sa kabila nito, bumaba naman umano ng 3.34% ang kabuuang insidente ng krimen sa Metro Manila nitong 2007 kumpara noong 2006.
Nangako naman si Barias ng patuloy na police visibility, checkpoints at dagdag na pagsasanay sa kanilang mga tauhan upang lubos na malabanan ang grupo ng mga criminal na handang makipagpatayan sa mga alagad ng batas. (Danilo Garcia)