Minsan pang nabahiran ang pinagagandang imahe ng Philippine National Police matapos na masakote ng Manila Police District (MPD) ang isang pulis Pasay City at kakutsaba nitong snatcher makaraang mang-agaw ng cellphone gamit ang kotse ng una sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Hawak ngayon ng MPD-General Assignment Section (GAS) ang suspek na sina PO2 Eric Nicodemus, nakatalaga sa Pasay Police Station ng Southern Police District (SPD) at Restituto Balagtas, 33, miyembro ng Sputnik Gang ng 107 Estrella St., Pasay City dahil na rin sa reklamo ni Jerome Lopez, 21, binata, Computer Technician ng 122 Concepcion St., Sampaloc, Manila.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Henry Lingson ng MPD-GAS, naganap ang insidente dakong alas -12:30 ng madaling-araw sa harap ng Tapsilogan sa Dapitan St., Sampaloc, Manila.
Ayon kay Lopez, kumakain siya sa naturang Tapsilogan nang may mag-text sa kanya at habang sinasagot niya ang text message nang mula sa kanyang likuran ay hablutin ni Balagtas ang kanyang Motorola cellphone at tumakbo pasakay sa isang nakaparadang kulay gray na kotse na may plakang (PUK 196) saka mabilis na pinasibad papalayo.
Sumakay naman ng taxi ang biktima at binuntutan nito ang naturang kotse nang may napadaan na Mobile car kaya humingi ito ng assistance. Kasama ng isang pulis Maynila, sinundan nila ang kotse ng suspek hanggang sa makorner nila ang mga ito sa kanto ng Roxas Blvd., at U.N. Ave, Ermita.
Narekober sa mga suspect ang cellphone ng biktima. Kasong robbery snatching ang isinampa laban sa mga suspek. (Grace dela Cruz)