Riding-in-tandem dedo sa shootout

Dalawang hindi pa naki­­kilalang lalaki na pina­ni­niwalaang miyembro ng  “riding in tandem” ang na­sawi matapos na makipag­palitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng pulisya  sa Quezon City kahapon ng umaga.

Isa sa mga biktima ay tinatayang nasa 35 hang­gang 40-anyos, may ka­tabaan, may tattoo sa ka­liwang braso, may taas na 5’5’’ at nakasuot ng polo shirt na green at maong pants at brown na rubber shoes habang ang isa naman ay tinayang nasa 20-25-anyos, nakasuot ng puting t-shirt, short na green at payat ang panga­nga­tawan.

Ayon pa sa ulat, ang da­lawa ay lulan ng kulay itim na motorsiklo na may pla­kang ZR 7117 nang ma­ka­engkuwentro ng mga ta­uhan ng pulisya sa may Pitimini St. sa kanto ng Judge Juan Luna, Brgy. del Monte, Quezon City.

Nauna rito,  sinabi ni DPIOU Chief Col. Alex Sintin, nakatanggap sila ng impormasyon na isang hol­dapan ang magaganap sa lugar at aabangan umano ang taong may bitbit ng payroll money ng hindi tinu­koy na kumpanya.

Dahil dito, agad nilang tinungo ang naturang lugar kung saan namataan nila ang motorsiklo ng pinaghi­hinalaang mga suspek at nang kanilang lapitan ang mga ito para sa beripi­kasyon ay bigla na lamang umanong pinagba­baril ng mga suspek ang mga nagrespondeng mga pulis.

Dahil dito, gumanti na rin ng putok ang mga awto­ridad na ikinasawi ng dalawang suspect. Nakuha sa mga nasawi ang dala­wang kalibre 38 baril at ang motorsiklong gamit. (Angie dela Cruz)

Show comments