Umaabot sa mahigit P600,000 ang nakulimbat ng tatlong hindi pa kilalang mga holdaper na nakasakay ng motorsiklo makaraang pagbabarilin ng mga ito ang isang 55-anyos na negosyante na kaka-withdraw lang ng nasabing pera sa isang banko kahapon ng hapon sa San Juan City.
Kasalukuyang agaw buhay sa Cardinal Santos Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na si Benito Tan, contractor at residente ng 168 Jaig St. Mandaluyong City.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek tangay ang nasabing pera.
Ayon kay Supt. Rodelio Jocson, hepe ng San Juan police, naganap ang insidente dakong ala-1:05 ng hapon sa kanto ng Jover at Arellano Sts. Brgy. Addition Hills ng lungsod na ito.
Nabatid na lulan ng kanyang puting Toyota Fortuner na may plakang ZBR-542 ang biktima galing sa pagwi-withdraw ng halagang P600,000 na pera sa isang sangay ng UCPB Bank sa Mandaluyong.
Habang binabagtas nito ang nasabing lugar ay bigla na lang dumikit sa kanyang sasakyan ang isang kulay pulang Honda XR, sakay ng tatlong suspek at pinagbabaril ang biktima ng isa sa mga ito.
Nang huminto ang sasakyan ng biktima ay agad namang binuksan ng isa pa sa mga suspek ang pinto ng Fortuner at kinuha ang nasabing pera na nakalagay sa umanoy maliit na envelope bago mabilis na nagsitakas.
Patuloy ang ginagawang follow-up operation ng San Juan police para sa posibleng pagkakaaresto ng mga suspek. (Edwin Balasa)