Sa Manila Pavilion Hotel sa United Nations Ave. ibinigay ng “middle man” ang suhol para makuha ang kontrata ng basura.
Ito naman ang kinumpirma ng dalawang Manila councilors kasabay ng pahayag ng mga ito na iisa ang taong nagtungo at nagtangkang manuhol kay Manila Vice Mayor Isko Moreno at nagbigay ng pera sa mga konsehal na naroon sa nasabing hotel.
Ayon sa dalawang konsehal, sa kalagitnaan ng pagpupulong ay walang kaabug-abog na ibinigay ng “middle man” ang P40,000 sa bawat konsehal na dumating. Nais umano nito na makuha ang suporta ng mga konsehal upang mapaboran umano ang “MPI” at makuha ang kon trata para sa koleksiyon ng basura sa lungsod.
Maliban sa isang dating city official, dalawang lalaking konsehal na isa dito ay baguhan ang tumayo ding ‘middle man’ na katulong nila sa konseho.
“Masyadong garapal ang mga taong ito. Lalo na yung dalawang kasamahan naming konsehal na talaga namang notorious sa paggawa ng pera,” ayon sa sources.
Ilan naman sa mga hindi tumanggap ng P40,000 bribe money sina Councilors Honey Lacuna-Pangan, Dennis Lacuna at Rolando Valeriano.
Tinangka ng mga ito na suhulan si Moreno subalit tinanggihan ito ng bise alkalde kasabay ng pahayag na sumali sa bidding at sundin ang proseso.
Idinagdag pa ni Moreno na kung capable naman ang sinumang bidder ay walang dapat na ikatakot ang mga ito dahil ang buong konseho ang magdedesisyon at hindi iilan lamang. (Doris Franche)