Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang barangay kagawad ng di kilalang suspek habang ito ay nagbabantay ng kanyang bilyaran kamakalawa ng gabi sa Tondo,Maynila.
Nakilala ang biktima na si Joseph Cambri, 57, barangay kagawad ng Brgy. 9 Zone 1 District 1, Tondo, Maynila. Habang inilarawan naman ang suspek na may taas na 5’3- 5’4, brown complexion at nakasuot ng kulay asul na t-shirt at maong na pantalon. Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas- 10:45 ng gabi nang maganap ang insidente habang ang biktima ay nakaupo sa tapat ng Abraham’s Billiard Center sa nabanggit na lugar.
Bigla na lamang umanong dumating ang suspek at mabilis na binaril sa ulo ang biktima.
Mabilis naman na isinugod sa Mary Johnston Hospital ang biktima subalit idineklara itong dead-on-arrival. Masusi naman na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at patuloy na pinaghahanap ang suspek. (Grace dela Cruz)