Bumagsak sa pinagsanib na intelligence operatives ng pulisya at militar ang isang lider ng mga berdugong Abu Sayyaf Group (ASG) na responsable sa pamumugot ng sampu sa 14 Marines na napatay sa engkuwentro sa Al-Barkah, Basilan noong Hulyo 10 ng nakalipas na taon, ayon sa mga opisyal kahapon.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, iprinisinta ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Avelino Razon Jr., at Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) Chief Sr. Supt. Leonardo Espina sa mediamen ang nasakoteng berdugo.
Kinilala ni Razon ang nasakoteng suspect na si Aramil Sulayman, 29, na nabitag ng mga intelligence operatives ng pulisya at militar sa raid kamakalawa ng hapon sa Datu Odin Sinsuat, Shariff Kabunsuan, Central Mindanao.
“He admitted that he’s the one who lead to the beheading of 10 of the 14 Marines killed in Basilan carnage, the arrest of Sulayman was the result of extensive intelligence operations by our operatives to neutralize wanted personalities affiliated with the Abu Sayyaf,” pahayag pa ni Razon.
Si Sulayman ay may patong sa ulong P500,000 na ito ay mapupunta sa kanilang sibilyang tipster na siyang nagturo sa pinagtataguan ng nasabing pugot leader sa Central Mindanao.
Sinabi na man ni Espina na ang suspect ay dating residente ng Brgy. Matatag, Al-Barkah, Basilan ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 1 sa Isabela City, Basilan sa kasong 9 counts ng murder at 4 counts ng frustrated murder kaugnay ng karumal-dumal na pamumugot ng ulo sa sampung tauhan ng Philippine Marines.
Inihayag ni Espina na maliban sa pamumugot ng ulo ng mga Marines ay sangkot rin ang grupo ni Sulayman sa iba pang uri ng paghahasik ng terorismo ng Abu Sayyaf tulad ng highway robbery, atbp. kung saan isa ito sa mga sub-leader ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama.
Ikinanta na rin ni Sulayman sa mga awtoridad kung sinu-sino sa kanilang grupo ang sangkot sa pamumugot ng ulo sa 10 Marines na kabilang sa rescuer ng dating bihag ng Muslim rebels na si Italian priest Fr. Giancarlo Bossi.