Napagtripan sa videoke bar

May posibilidad na napagtripang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang isang 32-anyos na mister ng apat na kala­lakihan sa harapan ng videoke bar, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Napuruhan ng tatlong saksak sa katawan si Jesser Riado Samson, may-asawa, jobless, at residente ng Block 14 Lot 8, Noel Drive, Pacita Complex, Biñan, Laguna.

Sa imbestigasyon nina SPO1 Aristotle Raquion at PO3 Albert Arevalo ng Criminal Inves­tigation Division (CID)-Las Piñas City Police, dakong alas-3 ng ma­daling-araw nang maganap ang krimen sa harapan ng Tito Boy Videoke Bar sa Alabang-Zapote Road, Almanza Uno.

Napag-alamang nag-iinuman ng alak ang biktima at grupo ng mga suspek sa magka­hiwalay na lamesa sa loob ng naturang videoke bar nang magka­initan sa pagtatalo.

Upang makaiwas sa gulo, nagpasya na lamang umalis sa bar ang biktima, subalit sinundan siya ng mga naka­alitang suspek at isinagawa ang krimen.  (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments