Napatay ang isang 28-anyos na negosyante samantalang nasugatan naman ang umano’y pamangkin ni Philippine National Police Chief Avelino Razon Jr. nang tambangan ng tatlong armadong kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Joselito Jumahan ng 1225 A. Masinop St., Tondo samantalang ginagamot din sa naturang ospital si Marinao Razon-Pangan, 32, isang overseas Filipino worker, ng 25 Matimyas St., Sampaloc.
Patuloy namang inaalam ang pagkakilanlan sa mga armadong suspek na sakay sa isang motorsiklo na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Bandang alas-8 ng gabi nang pagbabarilin ang mga biktima sa harapan ng PC Boy Computer Sales Parts and Service sa panulukan ng Morayta at Claro M. Recto Sts. sa Sampaloc.
Sakay umano ang mga biktima sa isang Mitsubishi Lancer (PRR-930) patungong España pero pagsapit nila sa Morayta ay binuntutan na sila ng tatlong suspek na sakay ng isang motorsiklong walang plaka.
Bigla na lamang silang pinagbabaril ng isa sa mga suspek habang nagsisilbing look-out naman ang dalawa sa mga kasama nito at nang inaakalang patay na ang mga biktima ay mabilis na tumakas ang tatlo.
May hinala naman ang pulisya na mga pulis o militar ang mga suspek at pakay ng mga ito ang pamangkin ni Razon bagaman patuloy pa ring nagsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang tunay na motibo ng pamamaril.