Dating crony ni Erap dinakip sa QC

Isang dating malapit na kaibigan umano ni dating Pangulong Joseph Estrada ang dinakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pag-iingat ng iligal na baril kahapon ng umaga.

Nakilala ang inaresto na si Robert Uy,  residente ng  #76 Sto. Domingo Street, ng naturang lungsod. 

Sa ulat ng QCPD-District Mobile Force, inaresto si Uy sa kanyang bahay dakong alas-10 ng umaga matapos na ihain ang arrest warrant sa kasong illegal possession of firearms sa sala ni Quezon City Regional Trial Court branch 223.

Ayon sa mga tauhan ng DMF, agad namang inasikaso ni Uy ang kanyang pansamantalang kalayaan sa paglalagak ng P80,000 piyansa sa korte.

Magugunita na nakilala si Uy bilang “Ukay-Ukay King” noong panahon ni Estrada na ipinagmamalaki umano nito na malapit sa kanya.  Sa hindi mabatid na dahilan, nagkaroon ng lamat ang relasyon nito sa dating Unang Pamilya.

Nahaharap rin sa iba’t ibang kaso si Uy kabilang na ang “falsi­fication of public documents” na isinampa sa kanya ng mga opisyales ng Bureau of Customs. (Danilo Garcia)

Show comments