Arestado ang isang babaeng anim na buwang buntis makaraang maaktuhan itong ninanakawan ang isang bahay na kanyang pinasok kahapon ng umaga sa Marikina City.
Kinilala ang suspek na si Rosemarie Espanol, 28, hiwalay sa asawa at residente ng Purok 4, Brgy. Malanday, Marikina.
Napag-alaman na ang suspek ay naaktuhan habang nililimas ang bahay ni Antonio Ramos, 38, empleyado ng Marikina City Engineering Department.
Nabatid na umuwi dakong alas- 11:50 ng umaga ang biktima sa ka nilang bahay sa 11 Dela Paz St. Brgy. San Roque upang doon mananghalian.
Laking gulat ng biktima nang pagbukas niya ng kanyang bahay ay nakita doon ang suspek na bitbit na ang ilang mahahalagang gamit sa bahay na aktong papatakas kaya agad niya itong hinabol at itinawag sa himpilan ng pulisya.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang mga iba’t ibang klase ng susi na pinaniniwalaang siyang ginamit sa pagbukas ng bahay ni Reyes.
“Mukhang notorious na magnanakaw ito at hindi lang basta baguhang magnanakaw, sanay sa paggamit kung anong susi ang gagamitin sa pagbubukas ng bahay,” pahayag ni Cruz sa ginawang panayam. (Edwin Balasa)