Kalaboso ang binagsakan ng isang dating opisyal ng Land Transportation Office na may kasong robbery/extortion makaraang masakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bahagi ng Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni NBI Director Nestor Mantaring, ang suspek na si Cerilo Almaden Avila, aka Atty. Avila, 51, ex-chief ng Law Enforcement ng LTO, at residente ng #24 Chessnut corner Orchids Street, West Fairview, Quezon City.
Sa ulat ni Head Agent Sixto Comia ng NBI-Intelligence Special Operations Division, nasakote si Atty. Avila matapos na ipagbigay-alam ng mga operatiba ng Presidential Anti-Colorum/Kotong Task Force (PACKTAF) sa kinauukulan ang pakikialam ng suspek sa operasyon ng nasabing task force sa EDSA-Muñoz, Quezon City laban sa mga kolorum na sasakyan.
Napag-alamang tinangka ng suspek na arborin ang mga drayber at sasakyang kolorum kung saan nagpapakilala itong opisyal ng LTO.
Sa beripikasyon ng NBI, nadiskubre na mayroong standing arrest warrant na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court Branch 96 laban kay Atty. Avila sa kasong robbery/extortion. (Grace Amargo-dela Cruz)