Arestado ang isang papaalis na Hapones matapos nakumpiskahan ng 34-sticks ng pinatuyong dahon ng marijuana na itinago sa kanyang underwear sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa.
Pormal na kinasuhan ang suspek na si Kinichi Nishi, 55, may Japanese Passport # TF9917733. Napag-alamang si Nishi ay dinakip ng mga tauhan ng PNP-Aviation Security Group sa final screening sa departure area ng NAIA Terminal 2 na nakatakdang sumakay sa Philippine Airlines flight PR-408 patungong Kansai, Japan.
Ayon sa ulat, kinapkapan ang suspek matapos na ma pansin ni SSO Ariel Metillo ang kakaibang ikinikilos nito sa final screening hanggang sa madiskubre ang itinatagong marijuana.
Agad na hinarang at inaresto ni PO1 Erwin Criscini, duty area in-charge, ang suspek at dinala sa 1st Police Center for Aviation Service (PCAS) hanggang sa ipasa ito sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakabase rin sa NAIA. (Ellen Fernando)