Natangayan ng kalahating milyong pisong halaga ng mga ari-arian ang tatlong kaba baihang Muslim sa isang kilalang hotel sa Maynila matapos na dumalo ang mga ito ng kasal ng kanilang kaanak kamakalawa ng gabi sa Roxas Boulevard, Maynila.
Nakilala ang mga biktima na sina Nadia Limpasan, 30; Sharita Warad, 29, at Andrea De Mesa, 25, pawang mga nakatira sa No.1068 A. Sta. Clara St., panulukan ng Batanes Extension, Sampaloc, Maynila.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Manila Police District-Theft and Robbery Section, ang insidente ay naganap sa pagitan ng alas 8:30 – 10:30 ng gabi sa loob ng inuupahang kuwarto ng mga biktima sa Rm 615, Bayview Park Hotel, Roxas Boulevard, Ermita, Maynila. Ayon sa mga biktima, nagtungo umano sila sa ika-sampung palapag ng naturang hotel upang dumalo sa ikakasal nilang kaanak doon at laking gulat na lamang nila ng pagbalik sa kanilang kuwarto ay nakitang nakasambulat ang kanilang mga gamit.
Nadiskubre ng mga ito na nawawala na ang kanilang dalang laptop, alahas, cash, I-pod video at iba pang personal na gamit na nagkakahalaga lahat ng P500,000.00.
Anila, niransak umano ang pintuan ng kanilang kuwarto.
Gayunman, malaki ang paniniwala ng pulisya na inside job ang nasabing nakawan dahil na rin sa hindi pakikipag-ugnayan ng management ng nabanggit na hotel. (Grace dela Cruz)