Gasoline boy kinatay ng kasamahan

Isang 22-anyos na gasoline boy ang namatay nang pagsasaksakin ng kapwa nito gasoline boy matapos maungkat ang dati nilang alitan   sa kanilang trabaho sa Sta. Mesa, Maynila kahapon ng madaling araw.

Patay na bago pa man idating sa De Ocampo Memorial Hospital ang bik­timang   si Mitchequil Orejas, ng Sta. Mesa, Maynila sanhi ng saksak sa katawan. Pinaghahanap naman ang suspek na si Romnick Gono, 22, kasama­han sa trabaho ng biktima  na tumakas matapos ang insidente.

Sa report ng pulisya, dakong 1:30 ng madaling araw nang naganap ang insidente sa loob ng kuwarto ng biktima at suspek.  Bago naganap ang insidente, nabatid na ipinatawag ang biktima at suspek ng kanilang manager na si Noel Morales dahil sa awayan nila sa kanilang trabaho.

Pinayuhan pa ni Morales ang dalawa na kalimutan na ang kanilang away bago sila pinabalik sa kanilang trabaho. 

Gayunman ilang minuto pa lamang silang nagkaka­hiwalay nang nakita ng isang Ricky Tibur­ania ang suspek na nagma­madaling uma­lis sa direksiyon ng Ramon Magsaysay Blvd. Nang puntahan naman umano ni Tiburania ang biktima ay nakita nitong nakabulagta, duguan at may tama ng saksak. (Grace dela Cruz)

Show comments