Hindi pa masasabing fire out ang sunog na naganap sa Galleria Baclaran Shopping Mall na tumupok sa may P90 milyong halaga ng ari-arian.
Nabatid kay Fire Inspector Dionisio Maslang, ng Pasay City Fire Marshall, na hanggang sa ngayon ay hindi pa masabing fire out ang naturang sunog na umaabot na sa mahigit 24 oras, dahil may usok pang lumalabas mula sa nasabing gusali.
Patuloy pa rin ang usok na lumalabas sa ikalawang palapag ng gusali na rito sinasabing tindahan ng mga damit, pantalon, mga tela at sapatos na tinupok ng apoy. Ngunit tiniyak naman ng mga kagawad ng pamatay sunog na hindi na ito makakaapekto sa mga katabing establisimiyento dahil hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang paglalagay ng mga kemikal upang makontrol ang apoy.
Inamin ng mga bumbero na nahirapan sila sa fire control operation, kung saan hindi kaagad sila nakapasok dahil sa sobrang trapik sanhi ng mga illegal vendor at mga usisero.
Samantala ipapatawag ni Fire Supt. Sophia Mendoza, hepe ng Southern Fire Bureau Protection si Maslang upang hingan ng paliwanag hinggil sa umano’y mabagal na operasyon.
Ayon kay Mendoza, posibleng hindi lumaki ang apoy kung naitaas agad ang alarma dahil mabilis ding nakapagresponde ang iba pang mga kagawad ng pamatay-sunog mula sa iba’t ibang lugar ng Metro Manila at sa mga lalawigan. (Lordeth Bonilla)