Isandaang pulis ang ikinalat simula kahapon sa Marikina upang ipatupad ang “Oplan Silent Night” na ipinag-utos ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Supt. Sotero Ramos, hepe ng Marikina Police, ang nasabing bilang ng kapulisan ay mula sa 16 na police community precinct at Special Weapons and Tactics na siyang mangangalaga sa kalsada upang mang-aresto ng mga residenteng gagamit ng mga ipinagbabawal na paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Nakasaad sa kautusan ang pagbabawal sa mga paputok kabilang ang pla-pla, og, sawa o kahit ng watusi.
Hinimok naman ni Fernando ang mga residente na huwag ng magpaputok at mag-isip na lamang ng alternatibong paraan para masayang salubungin ang Bagong Taon katulad ng pagbusina sa kanilang sasakyan, torotot at iba pa.
Bukod sa mga ito ay may mga libreng concert at fireworks display pa na isinagawa ang pamahalaang lungsod para sa ikasasaya ng mga residente. (Edwin Balasa)