‘Oplan Silent Night’ inilunsad sa Marikina

Upang mabawasan ang mga kaso ng injuries dahil sa pag­papaputok ay inilunsad ng Marikina City ang kampanya ng ‘Oplan Silent Night’ na nagba­bawal sa paggamit ng mga paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa ilalim ng kampanya, sinabi ni Marikina Mayor Ma. Lourdes Fernando na sa tulong ng puwersa ng pulisya sa ilalim ng pamumuno ni Supt. Sotero Ramos Jr., huhulihin nila ang gumagawa, nagbebenta at nag-iimbak ng mga ipinagbabawal na klase ng mga paputok upang hindi ito makapaminsala sa mga gagamit nito.

Ang kautusan ay agad namang ipinatupad ni Ramos at ngayon ay kasalukuyang mino­monitor ang mga nagbebenta ng malalakas na uri ng paputok.

Ayon naman kay Fernando, bukod sa paggamit ng nakaka­paminsalang uri ng paputok ay hinihimok nito ang mga resi­dente ng Marikina na maghanap na lang ng ibang  alternatibo na gagamitin sa pag-iingay sa pagsalubong ng Bagong Taon katulad ng torotot, palanggana at iba pa. (Edwin Balasa)

Show comments