Nagkasyang magdiwang ng kanilang Pasko ang mahigit sa 300 pamilyang nasunugan kamakailan sa loob mismo ng evacuation center sa pamamagitan ng pagkain ng lugaw at iba pang bigay na mga pagkain, kahapon sa Pasay City.
Ang nasabing mga pamilya ay kasalukuyan pa ring nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Pasay City. Nawalan ng tirahan ang mga biktima makaraang masunog ang kanilang mga bahay sa G. Villanueva St., ng nasabing lungsod bago pa man mag-Pasko.
Matatandaan na una nang inatasan ni Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad ang mga kawani ng DSWD upang kupkupin ang mga nasunugan sa pagbibigay ng medisina at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente lalo na ang mga bata na pansamantalang tumutuloy sa gymnasium ng Epifanio delos Santos Elementary School ng lungsod.
Magugunita na noong Disyembre 18, dakong alas-5 ng hapon ay naabo ang may 100-kabahayan nang sumiklab ang apoy sa bahay ni Evelyn Morales sa 307 G. Villanueva St., habang naglalaro ng kandila ang dalawang bata kung saan dumikit ang apoy sa kurtina na nakalapat sa dingding. (Rose Tamayo-Tesoro)