Tumaas umano nang lima hanggang pitong porsiyento ang presyo ng mga pagkaing karaniwang inihahanda tuwing Noche Buena o sa mga okasyong may kaugnayan sa Kapaskuhan.
Ito ang napansin ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry na nagsabi pa na, kumpara noong Pasko ng taong 2006, tumaas ngayon nang limang porsiyento ang presyo ng ilang pagkain.
“Nagtaasan, mga 5 to 7 percent, siguro maximum P5 compared sa presyo niya noong nakaraang Pasko, dahil nagtaas ang demand, nagtaas ang presyo ng Noche Buena products,” sabi ni Victorio Dimagiba, director ng Bureau of Trade Regulation and Consumer Protection ng DTI sa isang panayam ng dzBB radio.
Kabilang anya sa mga produktong ito ang keso, ham, pasta, noodles, cream at tinapay. Pero ipinaliwanag niya na artipisyal lang ang pagtaas ng presyo ng mga ito dahil sa dami ng bumibili nito ngayong panahong ito.
Sinabi ni Dimagiba na umaasa ang pamahalaan na magiging maayos muli ang presyo pagkatapos ng Kapaskuhan.