Nas malubhang kalagayan ang isang ama ng tahanan matapos na pagtulungang bugbugin ng isang grupo ng kalalakihan kamakailan sa Caloocan City.
Bukod sa bugbog, pinagpapalo pa ng mga lasing na suspect ang biktima si Jose Bermejo, 57, ng Midway Park Subdivision, Quirino Avenue, Novaliches, Caloocan City. Kahit nawalan na ng malay ay hindi pa rin ito tinigilan ng mga suspect at natigil lamang ang pagpapahirap dito nang dumating at sumaklolo ang anak ng biktima na nakilalang si Erwin Bermejo, 23, kung saan nasaksak nito ang suspect.
Nabatid sa ulat, na nauna rito, nag-iinuman umano ang mga suspect at ng malasing ay pinagdiskitahang pagbabatuhin ang bahay ng matandang Bermejo. Nang sitahin ng biktima ang grupo ay siya naman ang pinagbalingan ng mga ito na pinagtulung-tulungang bugbugin. “Pinagtanggol lang ni Erwin ang kanyang ama, kaya niya nagawa ang ganoon, kahit sino papatay para iligtas ang magulang,” pahayag ng isa nitong kaibigan.