Namatay ang isang ginang habang nasa kritikal na kundisyon ang anak nito makaraang mahagip ng rumaragasang dump truck ang kinalululanan nilang motorsiklo kahapon sa Commonwealth Ave., Quezon City.
Hindi na umabot ng buhay sa FEU Gen. Hospital si Elsie Malin, 35, ng Blk 10, Lot 97 Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal dahil sa tinamong malubhang pagkabagok ng kanyang ulo.
Habang ang anak nitong si Josephine, 4 ay nakaratay sa naturang pagamutan dahil sa tinamong malalim na sugat at mga galos sa katawan.
Base sa report ni SPO1 Edgardo Talacay, may hawak ng kaso, dakong ala-1:30 ng hapon kahapon nang maganap ang sakuna sa kahabaan ng Litex Road, Brgy. Commonwealth, Lungsod Quezon.
Galing umano sa Montalban ang mga biktima lulan ng SYM motorcycle ZR-2944 na minamaneho ng ama na si Quirino Malin, 46, patungo sa direksiyon ng Commonwealth Avenue.
Ngunit bago sumapit ang motorsiklo sa Litex Road papalapit sa Commonwealth Ave., bigla na lamang sumalubong ang humahagibis na dump truck na may plakang WFV - 224 na minamaneho ni Roderick Mata, 34, at nahagip ang mga biktima. (Angie dela Cruz)