Palpak ang isinagawang tigil-pasada ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Na tionwide (PISTON) kahapon matapos na bahagya lamang nakaapekto ito sa takbo ng transportasyon sa Metro Manila, ayon sa pagtataya ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinabi ni NCRPO Director Geary Barias na normal ang naging pagbubukas ng araw sa lahat ng kalsada sa Kamaynilaan at walang namonitor na paralisado dahil sa pagpasada pa rin ng nakararaming mga jeepney drivers na hindi nakiisa sa welga ng PISTON.
Inilarga ng Piston ang kanilang tigil-pasada bilang protesta sa walang humpay na pagtaas ng langis na labis nang nakakaapekto sa kanilang paghahanapbuhay.
Inilarga ng grupo ang kanilang mga pagkilos sa Bonifacio Monument sa Caloocan City, Mabuhay Rotonda at Cubao sa Quezon City; at J.P. Rizal sa Makati City. Bagamat sumama sa mga ito ang mga militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan, Kilusang Mayo Uno at Anakpawis partylist bigo pa rin sila na paralisahin ang pagbibiyahe ng publiko.
Nag-umpisa naman na bahagyang lumiit ang bilang ng mga bumibiyaheng jeep nang pumatak ang katanghalian nang tumigil na sa pasada ang ilan sa mga driver partikular na sa mga lugar ng Malabon, Navotas, Guadalupe-Pateros, Cubao-Cogeo, Rizal Avenue sa Maynila, Quezon Avenue at Kamias sa Quezon City.
Tinataya namang nasa 15 hanggang 20 porsyento lamang ng mga jeepney drivers ang hindi pumasada kahapon.
Nabatid na lubusan namang nadismaya si George San Mateo, secretary general ng Piston nang hindi lahukan ng ilang militan teng grupo ng transportasyon ang ikinasa nilang transport strike kahapon para ipaglaban ang karapatan ng mga jeepney drivers kaugnay sa serye ng pagtaas ng produktong petrolyo.
Magugunita na ang party list na 1-Utak, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Alliance of Transport Operators and Drivers Organization of the Philippines (ALTODA), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Pangkalahatang Sangguniang Manila and Suburbs Driver’s Association Nationwide Inc. (Pasang Masda), Makati Jeepney Drivers Operators and Drivers Association (MJODA) ay una ng nagpahayag na hindi sila sasama sa welga dahil hindi umano sila sang-ayon sa gusto ng PISTON na ibasura ang Oil Deregulation Law.
Inilagay naman sa full alert status ang NCRPO kung saan nagpakalat ng hanggang 3,000 pulis sa mga kalsada upang matiyak na magiging matiwasay ang mga demonstrasyon. Naglagay din ng mga video camera ang pulisya upang maidokumento ang mga kilos-protesta.
Nagpalabas rin ng walong police buses at iba pang sasakyan ang NCRPO upang magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero na maii-stranded sa kalsada katuwang ng mga bus at truck na inilabas naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Samantala, nagdulot nang pagsisikip ng daloy ng trapiko ang ilang pangunahing lansangan sa area ng lungsod ng Caloocan.
Sa isang situational report, ilang grupo ng welgista ang nagsagawa ng kanilang programa sa tapat ng Gotesco Grand Central, ilalim ng Light Trail Transit (LRT), kahabaan ng Rizal Avenue, lungsod ng Caloocan.
Dahilan upang maging sanhi ito ng pagsisikip ng daloy ng trapiko kung saan nakaharang sila mismo sa gitna ng kalsada, kung kaya’t usad pagong ang mga motorista.
Mas naramdaman naman ang naturang welga sa ilang lugar sa mga sa Southern Mindanao na sinasabing 75 porsiyentong naparalisa ang biyahe dito.