Kinasuhan na kahapon ng Eastern Police District (EPD) sa Ombudsman ang anim na San Juan police kabilang ang dalawang opisyal dahil sa naganap na jailbreak sa kanilang detention cell kung saan nakatakas ang anim na preso noong Disyembre 6 ng taong ito.
Ayon kay EPD chief Sr. Supt. Leon Nilo dela Cruz, kasong violation of Article 224 o evasion through negligence ang isinampang kaso kina Chief Insp. Jose Ogbac, Sr. Insp. Ricardo Marzo, SPO1 Romeo Gamboa, SPO1 Rafael Quezon Jr., PO2 Rio Tuyay at PO2 Serafin Gatan.
Kung mapapatunayang nagkasala ang mga nasabing pulis ay mapaparusahan ang mga ito ng mula anim na buwan hanggang anim na taong pag kakakulong bukod pa sa automatikong pagkasibak sa serbisyo at hindi rin puwedeng humawak ng kahit anong posisyon sa gobyerno, pahayag ni dela Cruz.
Sa ginawang imbestigasyon ng pamunuan ng EPD lumalabas na nagkaroon ng pagkukulang ang mga nasabing pulis dahilan upang magkaroon ng jailbreak sa San Juan police station.
Matatandaang noong Disyembre 6 ng madaling-araw ay nakatakas ang anim sa labingwalong preso sa ginagawang San Juan detention cell sa pamamagitan ng pagsira sa bakal na pintuan ng kulungan. (Edwin Balasa)