‘Oplan isnabero’ pinatindi ng LTO

Pinatindi ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya kaugnay ng programang “Oplan isnabero” ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay LTO Chief Reynaldo Berroya, higit na pinag-ibayo ngayon ang kanilang kam­panya laban sa mga isnaberong taxi drivers upang mabigyan ng kaukulang parusa ang gina­gawang pang-iisnab at pamimili ng pasahero na ihahatid sa kani-kanilang destinasyon.

Sinabi ni Berroya na pinakalat niya ang mga tauhan sa Metro Manila laluna sa mga pamilihan at malls para hulihin ang mga isnaberong taxi drivers na tumatanggi na magsakay ng pasahero.

Ani Berroya, dapat malaman at isaisip ng mga driver ang kanilang responsibilidad sa kalye laluna sa pagsasakay ng mga pasahero dahil ang dala nilang sasakyan ay isang pampublikong behikulo.

Kaugnay nito, Sinabi naman ni LTFRB Chairman Thompson Lantion na may mahigit 50 taxi drivers ang kanilang iniimbestigahan at isinalang sa pagdinig makaraan ang mga itoy maireklamo ng mga pasahero na kanilang inisnab. (Angie dela Cruz)

Show comments