“To my son, farewell, your mother is committing adultery with Ronald Dauz.”
Ito umano ang mga huling katagang nakasaad mula sa suicide note ng negosyanteng Dutch national na si Ronald de Boer, 45, bago nagbaril sa sarili kamakalawa sa Caloocan City.
Namatay noon din si Boer, residente ng #140-B Capaz Street, 10th Ave. ng nabanggit na lungsod dahil na tinamong tama ng bala sa bunganga buhat sa kalibre 9mm pistol.
Sa naantalang report na nakarating kahapon sa Caloocan City Police at sa imbestigasyon ni SPO1 Jaime Basa, alas-2 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng dayuhan ng mga kasambahay nito mismo sa kama nito sa kanilang kuwarto ng asawang Pinay na nakilalang si Marife.
Bago ang pagpapakamatay ng biktima, nag-usap muna sila ng kanyang misis na si Marife de Boer at hindi alam ng mga kasambahay ng mga ito kung nag-aaway ang dalawa.
Pagkatapos ay umalis ng bahay ang babae at nagtungo sa isang computer shop, nang bumalik ito sa kanilang bahay ay nakita na lamang nito ang biktima na patay na sa loob ng kanilang kuwarto.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Northern Police District (NPD), nakita ang baril na ginamit ng biktima sa ibabaw ng bangkay nito kung saan ay nakarehistro ang armas sa asawa nitong si Marife.
Nakatakda namang isailalim sa paraffin test ang asawa ng biktima at ang katulong na si Epehnia Gabonia upang matukoy kung may naganap na foul play sa pagkamatay ni de Boer.
Sa naging salaysay naman ni Marife sa mga awtoridad, gusto na niyang makipaghiwalay sa kanyang asawa dahil hindi siya naging masaya sa piling nito bukod pa sa hindi umano siya nito binibigyan ng pera simula ng magsama sila may 10 taon na ang nakakalipas.
Napag-alaman ng biktima na pinipendeho umano siya ng kanyang misis kaya nagawa nitong kitlin ang sariling buhay. (Lordeth Bonilla)