Sinibak sa serbisyo ang anim na empleyado ng Bureau of Immigration (BI), samantalang sinuspinde naman ang walong iba pa matapos na masangkot ang mga ito sa iba’t ibang katiwalian. Sinabi ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan, ang mga sinibak at sinuspindeng empleyado ay sangkot sa mga kaso tulad ng kidnapping with extortion, estafa at illegal na pagpapa-deport sa mga dayuhang may kinakaharap na kaso dito sa bansa.
Nilinaw pa ni Libanan na sa walong tauhan ng BI na sinuspinde lima dito ang pinatawan ng preventive suspension sa loob ng anim na buwan ng walang bayad habang nakabinbin pa ang kasong administratibo laban sa mga ito samantalang ang tatlo naman ay anim na buwang suspendido. Siniguro pa nito na mapapatawan ng katulad na parusa ang iba pang empleyado ng BI na mapapatunayang sangkot sa pangingikil, pangloloko sa mga dayuhan at iba pang uri ng katiwalian.
Matatandaan na sinibak din ni Libanan noong nakaraang linggo ang Supervisor, warden at walong security guards ng Bicutan Immigration jail matapos ding masangkot sa anomalya.
Bukod dito, iniutos din nito ang paglalagay sa “floating status” sa 18 intelligence agents, immigration officials at legal aides ng BI na nahaharap din sa reklamong extortion at pangha-harass sa mga dayuhan. (Gemma Amargo-Garcia)