Pinahuhuli ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang mga pulubi at mga palaboy sa mga pangunahing road intersections sa lungsod, na nanghihingi ng limos sa mga motorista partikular ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Gayunman, agad din naman itong nilinaw ng alkalde na wala silang balak maltratuhin ang mga ito at sa halip ay ay mapakain ng maayos at matutuluyan sa abot ng kanilang makakaya.
Iginiit ni Lim na nakaugalian na ng mga tao na naninirahan sa mga kabundukan ang pagdagsa sa Metro Manila sa tuwing lumalapit na ang Pasko.
Kasama ang buong pamilya, nagtutungo umano ang mga ito sa kalungsuran at naninirahan pansamantala sa mga underpass at iba pang pampublikong lugar upang mamalimos.
Inutos ni Lim sa mga opisyal ng pamahalaang lungsod na dalhin ang mga pulubi at mga palaboy sa Manila Boystown Complex sa Marikina City.
Kalimitan sa mga pulubi ay mga bata na nagtitinda ng mga basahan at sam paguita at lumalapit sa mga motorista upang humingi ng pamasko sa pamamagitan nang pangangaroling.
Giit naman ng alkalde, hindi ligtas para sa mga nasabing pulubi ang ganitong gawain kaya’t dapat lamang na iiwas sila sa mga ganitong lugar. (Doris Franche)